Wednesday, April 30, 2008

Bo

Si Bo Sanchez ang isa sa pinaka-interesting na tao na nakilala ko. Mahusay na manunulat, tagapagsalita, at lider--sangrekwang tao ang nabibigyan niya ng inspirasyon.

Naimbitahan ako ng kanilang organisasyon dati upang magtanghal sa paglulunsad ng isa nilang magasin. Naalala ko lang ito ngayon dahil nagbabasa ako ng isa niyang aklat. Nais kong ibahagi sa inyo ang pag-guest kong iyon.

Salamat uli, Brother Bo!

Eto ang link:

http://kerygmafamily.com/view.php?mediaid=202:flv

Monday, March 31, 2008

"Don't try this at home"

TV commercial uli tayo.

Napanood n'yo na ba ang TVC (TV commercial) ngayon ng Downy? Hindi ko na ikukuwento ang buong ad, sapat nang ihayag ko ang puna ko.

May eksena roon na tumalon mula sa itaas ng malaking billboard ang isang babae. At sa ibaba ng screen ay may supers (superimposed text) na: PLEASE DON'T TRY THIS AT HOME.

Siyempre, natawa lang ako. Ewan kung napansin n'yo, pero kahit naman gusto mong subukang gawin iyon sa bahay n'yo--hindi n'yo magagawa.

Wala namang billboard sa bahay e.

Puwede namang PLEASE DON'T TRY THIS na lang.

Ewan kung paano nakakalusot ang ganyang detalye.

Friday, March 21, 2008

Promo video

'Yung isang agent ko, nagpagawa sa akin ng promo video ko para sa aking adult comedy shows. Eto, gusto kong ibahagi sa inyo...

Enjoy!

Tuesday, March 18, 2008

Pacman

Kapag may laban si Manny Pacquiao, lahat ng Pinoy ay nagiging instant boxing analysts. Lahat ay may kanya-kanyang prediksiyon sa kung ano ang magaganap sa laban. Mayroong 4 rounds KO, 7 rounds, 10 rounds, may decision, at iba pa.

Nang matapos ang labang Pacquiao-Marquez nitong Linggo, nagwagi si Pacman via split decision. At gaya ng inaasahan, lahat ng Pinoy ay naging boxing analysts uli. May sumasang-ayon sa panalo ni Pacman, may hindi pumapabor sa mga hurado.

Ang ikinagulat ko ay ang komento ng dalawang beteranong boxing analysts sa "24 oras," news program ng GMA. Ayon kay Recah Trinidad, isa sa mga hinahangaan kong sportswriters, dapat daw imbestigahan ang hatol ng mga hurado. Hindi siya pabor na nanalo si Pacman. Duda niya, may dayaan.

Iniskoran ko rin ang laban nila, at lumabas sa iskor kong nagwagi si Marquez, 114-113. Alam kong gitgitan ang laban at kahit sino sa kanila ay maaaring manalo. Kaya hindi ako nagulat nang manalo nga si Pacman. Pero bakit ganoon ang reaksiyon ni Recah? Para bang walang kalaban-laban si Pacman kay Marquez noong laban nila.

Bakit hindi na lang natin tanggapin ang hatol ng tatlong hurado? Sa "American Idol," maraming magagaling na singers ang hindi nakalusot sa tatlong hurado dahil at least dalawa sa kanila ang hindi pumabor. At marami ring hindi mahuhusay na singers ang pumasa dahil at least dalawa sa mga hurado ang pumabor.

Gano'n talaga ang labanan!

Ang isang magandang indikasyon pa na gitgitan ang labanan: pagtabihin n'yo ang mukha nina Pacman at Marquez pagkatapos ng 12 rounds. Kapwa sila bugbog-sarado! Puwede pa ba natin sabihing one-sided for Marquez ang laban?

'Yung isang analyst naman na tinutukoy ko (hindi ko maalala ang pangalan, pero isa siyang abogado), ang sabi kaya raw ipinanalo ng mga hurado si Pacman ay dahil mas malaking pera ang involved pag siya ang lumalaban.

Teka, malaking kahunghangan ang ganitong paniwala. E kung ang paniwala ni Attorney ang susundin natin, aba'y hindi na dapat matalo si Pacman kahit kailan!

Saturday, March 8, 2008

Yari Ka!

Isang gabi ay nakatanggap ako ng tawag mula sa komedyanteng si Michael V. Ang hirap ko raw hanapin. Tila nawala niya ang telephone number ko.

Mag-guest daw ako sa "Bitoy's Funniest Videos" ng GMA. Sa YARI KA segment. Isama ko daw si Nonoy, and aking papet.

Nagkakilala kami ni Bitoy sa isang speaking event. Pagkatapos kong magbigay ng talk, siya naman ang sumunod. Sa dressing room ay nagkausap kami tungkol sa mga pinaggagagawa namin, at nagpalitan kami ng contact numbers.

Nag-taping kami sa isang medyo luma nang gusali sa QC. Masayang karanasan iyon para sa akin. Noong Marso 1, lumabas ang episode na iyon sa GMA.

Nakita ko ang video na ito. Sana'y mag-enjoy kayo.

Yari ka!

Thursday, March 6, 2008

Nasaan na ang OPM?

OPM o Original Pilipino Music ang gusto kong pag-usapan natin ngayon.

Kanina ay napanood ko sa isang morning TV show na na-feature ang singer na si Jaya at ang kanyang bagong album, pinamagatang "Cool Change." Kanina ring hapon ay napasyal ako sa SM Southmall at nakita ko ang bagong album ng singer na si Kyla, pinamagatang "Heartfelt."

Ang dalawang album na nabanggit ko ay puro cover versions ng mga banyagang awit.

Nasaan na ang OPM?

Panghihinayang ang unang nadama ko nang makita ko ang dalawang album. Sayang na lang ang talento nina Jaya at Kyla. Puwede naman silang gumawa ng all-original Pinoy music album, pero bakit puro covers ng dayuhang musika? Kaya mas gusto ko pang pakinggang ang mga banda natin, gaya ng Eraserheads at Parokya ni Edgar, dahil puro orig ang tugtugin nila.

Wala na tayong mga Basil Valdez, Rico J. Puno, at iba pang mas OPM ang inaatupag kantahin kaysa banyagang awitin. Okey lang naman mag-cover ng awit ng banyaga (ginawa na rin ni Rico J. Puno 'yan dati sa "The Way We Were" version niya), pero huwag naman buong album! Tingnan n'yo ang karamihan sa mga album ng singers natin ngayon, puro covers.

Covers, covers, covers. Wala na ba tayong mahuhusay na kompositor? Nauubusan na ba tayo ng awit?

Sa pananaw at paniwala ko, hindi natin naiuusog ang ating OPM kung puro cover na lang ang gagawing albums at kakantahin sa mga konsiyerto ng ating singers.

Saka oo nga pala, bakit ba tinawag na OPM ang musikang Pinoy? Bakit ORIGINAL Pilipino Music? Bakit may "Original" pa? Meron bang HINDI ORIGINAL O PEKENG Pilipino Music? Kung meron, e di 'wag nating tawaging Pilipino Music--kasi nga'y peke!

Sa English, a piece of music is either Pilipino Music or not.

Pilipino Music--o mas tamang Filipino Music--na lang. Tanggalin na 'yang "Original" sa OPM.

Wednesday, March 5, 2008

Egg Bag

Ang kauna-unahang pangarap ko ay ang maging magician. Pero eto nga't naging manunulat ako at bentrilokista.

Ngunit sa puso ko'y magician pa rin ako. Sa aking shows bilang ventriloquist, paminsan-minsan ay nagsisingit ako ng magic tricks. Isang pinakapaborito ko ay ang classic na egg bag trick.

Nitong nakaraang buwan ay naimbitahan ako ng National Commission for Culture and the Arts upang magtanghal doon sa pagsisimula ng kanilang Philippine Arts Festival. Sa aking show ay nagsingit ako ng isang magic--ang aking egg bag trick.

Eto 'yun:

Abracadabra!