OPM o Original Pilipino Music ang gusto kong pag-usapan natin ngayon.
Kanina ay napanood ko sa isang morning TV show na na-feature ang singer na si Jaya at ang kanyang bagong album, pinamagatang "Cool Change." Kanina ring hapon ay napasyal ako sa SM Southmall at nakita ko ang bagong album ng singer na si Kyla, pinamagatang "Heartfelt."
Ang dalawang album na nabanggit ko ay puro cover versions ng mga banyagang awit.
Nasaan na ang OPM?
Panghihinayang ang unang nadama ko nang makita ko ang dalawang album. Sayang na lang ang talento nina Jaya at Kyla. Puwede naman silang gumawa ng all-original Pinoy music album, pero bakit puro covers ng dayuhang musika? Kaya mas gusto ko pang pakinggang ang mga banda natin, gaya ng Eraserheads at Parokya ni Edgar, dahil puro orig ang tugtugin nila.
Wala na tayong mga Basil Valdez, Rico J. Puno, at iba pang mas OPM ang inaatupag kantahin kaysa banyagang awitin. Okey lang naman mag-cover ng awit ng banyaga (ginawa na rin ni Rico J. Puno 'yan dati sa "The Way We Were" version niya), pero huwag naman buong album! Tingnan n'yo ang karamihan sa mga album ng singers natin ngayon, puro covers.
Covers, covers, covers. Wala na ba tayong mahuhusay na kompositor? Nauubusan na ba tayo ng awit?
Sa pananaw at paniwala ko, hindi natin naiuusog ang ating OPM kung puro cover na lang ang gagawing albums at kakantahin sa mga konsiyerto ng ating singers.
Saka oo nga pala, bakit ba tinawag na OPM ang musikang Pinoy? Bakit ORIGINAL Pilipino Music? Bakit may "Original" pa? Meron bang HINDI ORIGINAL O PEKENG Pilipino Music? Kung meron, e di 'wag nating tawaging Pilipino Music--kasi nga'y peke!
Sa English, a piece of music is either Pilipino Music or not.
Pilipino Music--o mas tamang Filipino Music--na lang. Tanggalin na 'yang "Original" sa OPM.
Thursday, March 6, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment