Thursday, February 7, 2008
Si Takaw at ang mga may "K"
Noong isang Sabado ay naimbitahan akong magtanghal sa lobby ng East Avenue Medical Center sa Quezon City. Patapos na kasi ang cancer awareness week at may programa roon ang Kapisanan ng mga may 'K' sa Pilipinas, na ang kasalukuyang pangulo ay ang matagal ko nang kaibigang Vim Nadera. Pagkatapos ng misa ay nagsimula na ang palatuntunan. Namigay sila ng iba-ibang kulay na bandana, at lahat ay inimbitahang isuot iyon sa ulo, bilang pakikiisa sa mga may kanser.
Isa sa mga host ang kaibigan kong si Dra. Yangky Agustin, na may anak na canser survivor, si Yaren. Ang audience ay halo-halo: may mga may kanser, may bata, matanda, musikero, mime, doktor, makata, at iba pa.
Marami na rin akong kamag-anak, kaibigan, at kakilalang pumanaw dahil sa kanser, na isang hindi pa rin gaanong maintindihang sakit. Marami pa rin ang naniniwalang pag may kanser ka ay tila siguradong tepok ka na. Marami ang mis-informed tungkol sa kanser.
Sa show ko, ginamit ko ang papet kong si Takaw, isang pating na mahilig kumain ng kahit ano. Pinag-usapan namin ni Takaw ang mabubuti at masasamang pagkain, at ang mga dapat gawin upang laging maging malusog. Sobrang natuwa ang lahat kay Takaw, lalo ang mga bata.
Nang palabas na ako ng ospital, may lumapit sa aking lalaki matapos tawagin ang ngalan ko. Hindi ko agad siya namukhaan dahil nakabandana siya at medyo naging bago siya sa paningin ko.
“Ony, ako 'yung na-meet mo sa Adworks (isang events agency),” aniya. “Bumili pa nga ako ng libro mo at nagpa-autograph pa sa iyo.”
At saka ko lang naalala, kapatid siya ni Manolo Silayan, anak din ng yumaong aktor na si Vic Silayan.
“Isang taon na 'kong hindi pumapasok,” aniya. Mukhang nahulaan ko na ang kasunod. “Nagke-chemo pa ako.”
May kanser siya, ngunit sa tono niya'y tila magaan naman ang pagtanggap niya sa sitwasyon niya. Ewan kung ano ang naging emosyon ko pagkatapos. Ang alam ko, kahit paano'y napasaya ni Takaw ang mga naroon, may kanser man sila o wala. At masaya na ako nun.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment