Monday, December 31, 2007
K.J.
Unang-una, gastos. At sa paniwala ko'y hindi naman importante. Kung gusto ko mabingi sa ingay, puwede naman akong makinig na lang sa ibang nagpapaputok. O mas mabuti, lalakasan ko na lang ang bolyum ng stereo namin at magpapatugtog ako ng hard core metal music... o kaya'y album ng Kamikaze.
At saka, ayokong ma-TV Patrol na nasa ospital, ngawa nang ngawa habang tila spaghetti ang mga duguang daliring nakalaylay dahil naputukan ng plapla o super lolo. Mati-TV rin lang, mas gugustuhin ko na 'yung may mga katabi akong artista at iniinterbyu ako tungkol sa susunod kong pelikula.
Ano nga ba ang saysay ng pag-iingay sa pagsalubong sa bagong taon? Ayon sa marami, namana natin ang tradisyong ito sa kulturang Tsino. Ang pag-iingay daw ay nagtataboy ng masasamang ispirito at malas, at magandang pagbati sa suwerte. At sabi nila, tutal bagong taon naman daw.
Naalala ko ang ilang kaibigan ko noong Disyembre 31, 1999. Nag-book sila sa mamahaling hotel, kasama ang buong pamilya, at talagang naglustay ng salapi upang masaksihan daw ang pagbabago ng milenyo. "Pare, minsan lang mangyari ang araw na ito. Hinding-hindi na ito uulit pa," katwiran nila.
Sa isip ko, teka, ang bawat araw ay minsan lang talaga magaganap. Ang Hulyo 2, 1978 o ang Setyembre 13, 1853, o kaya'y ngayong Disyembre 31, 2007 ay hinding-hindi na rin mangyayari kahit kailan. Kung pagbabasehan ang paniwala nila, dapat araw-araw ay nasa hotel sila at nagdiriwang!
Okey lang namang magdiwang, lalo't kasama ang mga mahal sa buhay. Ngunit kung ang dahilan lang ay ang sinasabing "kakaibang" araw, medyo hindi na ako palo riyan. Ang bawat araw ay kakaiba, natatangi, at dapat na gawing espesyal.
Sunday, December 30, 2007
Mi Ultimo Adios
Sa larawang ito, nasa mismong bahay (replika) ako ni Jose Rizal--'yung bahay na ipinagawa't tinirhan niya mulang Marso 1893 hanggang Hulyo 31, 1896 sa Dapitan. Nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ito nang magkaroon ako ng proyekto roon nito lamang buwang kasalukuyan.
Naalala ko si Rizal dahil isang daan at labing isang taon na ang nakakaraan ngayon, binaril, namatay, at naging bayani siya. Kahit paano'y naging masugid din akong estudyante ng buhay at mga akda ni Rizal; at bilang isa ring manunulat ay mangha ako sa kaniyang talino at gilas sa pagsulat.
Nahilig din akong mag-ipon ng mga trivia tungkol kay Rizal. Nais kong ibahagi sa inyo ang isa: Alam n'yo ba na ang kauna-unahang nagsalin sa Tagalog ng tulang "Mi Ultimo Adios" ni Rizal ay si Andres Bonifacio?
Kilala natin si Bonifacio bilang mandirigma at may tangang itak. Ngunit mahusay din siyang manunulat at makata. Narito ang translation niya ng bantog na tula ng ating pambansang bayani (na sinulat ni Rizal noong Dis. 29, 1896 ng gabi).
Huling Paalam
ni Dr. Jose Rizal
Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
Lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis ang alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahahapis.
Saan man mautas ay di kailangan,
cipres o laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa Silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitina sa iyong liwayway,
dugo ko'y isaboy at siyang ikikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.
Ang aking adhika sapul magkaisip
noong kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsang masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
Sa kabuhayan ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyas ng diwa
paghingang papanaw ngayong biglang-bigla.
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
akoy malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y maisilong sa iyong Kalangitan.
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring ilapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
Kung sakasakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon,
doon ay bayaan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng buong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
Bayaang sino man sa katotong giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin, Bayan, yaring pagkahimbing.
Idalanging lahat yaong nangamatay,
Nangag-tiis hirap na walang kapantay;
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.
Ang mga balo't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa;
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaan mong ikagiginhawa.
At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
Ang kanyang hiwaga’y huwag gambalain;
kaipala'y marinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y magsaliw,
ako, Bayan yao't kita'y aawitan.
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala ng kurus at batong mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kahuya’y ikalat.
Ang mga buto ko ay bago matunaw,
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok na iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung magkagayon ma'y, alintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin,
pagka't himpapawid at ang panganorin,
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik ko sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko.
Bayang iniirog, sakit niyaring hirap,
Katagalugan kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo’y haring lubos.
Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan, bata pang maliit,
sa aking tahanan di na masisilip.
Pag-papasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!
Saturday, December 29, 2007
Bagay-bagay na hinding-hindi ko pa rin maintindihan...
-Bakit kahit mas malakas na ngayon ang piso (P41+ na lang vs USD habang sinusulat ko ito), sobrang taas pa rin ng presyo ng gasolina at mga bilihin?
-Bakit ang mga sinasabing "public servants" gaya ng congressmen ay sobrang mayayaman? Bakit nakakatanggap sila ng P200 thousand na Christmas gift mula sa kongreso at P500 thousand sa Malakanyang (kung saan... kahit hindi Pasko ay nagbigayan!)?
-Bakit kahit saang linya ako pumila (sa groseri, sa trapik, sa pagbayad ng bills), 'yung linyang iyon ang pinakamabagal?
-Bakit kung hindi nasisira ang black box, hindi na lang materyales ng black box ang gamitin sa paggawa ng eroplano?
-Bakit kapag kumakain ako ng mani, kadalasan 'yung pinakahuling mani na makakain ko ay 'yun pang sunog, sira, o bulok?
-Bakit kahit hindi ako naiihi, pag tumapat ako sa inidoro ay naiihi ako?
-Bakit kapag Biyernes, malamang na munggo ang ulam ng Pinoy?
-Bakit mabilis nating nakakalimutan ang nagaganap na korupsiyon at anomalya ng mga pulitiko at nakakaligtas sila sa mga kalokohan nila?
(Marami pang susunod...)
Friday, December 28, 2007
Tanghali
Kanina pa sumisipol
Ang metal na takore.
Nangangamoy tutong
Na ang sinaing.
Pinapapak na ng pusa
Ang sariwang dalagang bukid.
Bundok ang labahin.
Nagpipista ang agiw
Sa bawat sulok ng kisame.
Wala ni isang pinggan sa mesa.
Samantala, nasa sala ang ina--
Pilit pinasususo ang bunsong
Kanina pa iyak nang iyak.
Thursday, December 27, 2007
Rolex
Kahit noong bata pa ako, isa na sa mga hiling ko kay Santa ang Rolex. Iba kasi ang dating pag Rolex ang nakasabit sa braso mo. Parang galit na galit ka sa pera.
Ang tatay ko, ilang beses na ring nagka-Rolex. Dahil nakapagtrabaho sa ibayong dagat, nakaipon siya't nakabili ng konting luho. Inggit na inggit ako sa tatay ko noon. E ayaw naman akong ibili ng Rolex dahil baka mawala ko lang daw. Ayaw din akong bigyan ni Santa kahit anong sulat ko sa kanya.
Nahilig ako sa relo nang nagbibinata ako. Seiko, Citizen, Alba, Valentino, ngunit hindi pa rin Rolex. 'Yung ilang kaklase ko sa high school, mahihilig din sa relo. Kahit malaki sa kanila, okey lang. Naglalagay muna sila ng panyo sa braso bago isusuot ang relo para magkasya.
Nang mag-asawa ako, baliktad naman. Ayaw ko nang magrelo. Parang asiwa ako na may nakasabit sa kamay ko. At saka, iba ang pakiramdam kapag walang relo. Kumikilos ako nang ayon sa natural na hiling ng katawan ko, hindi dahil may oras akong hinahabol. Tila naging malaya ako.
Ang relo ay tila countdown ng nalalabi pa nating buhay sa mundo. Habang tumitingin tayo rito, parang nagbibilang tayo ng sandaling mababaon tayo sa hukay.
Kung kailangan kong malaman ang oras, marami namang paraan. Kung nasa jeep ako o naglalakad, sumusulyap ako sa mga katabi--sa braso nila. Kung nasa simbahan o loob ng ibang gusali, malamang namang may wall clock. Sa bahay, nariyan ang channel 9 o ang radyo. Napatunayan kong hindi ko kailangan ang relo sa katawan ko.
Hanggang ngayon ay hindi ako nagsusuot ng relo, maliban kung kailangang-kailangan--lalo kung may show ako. At saka ang relo ko, Casio... hindi pa rin Rolex.
Napatunayan ko ring hindi mahalagang Rolex ang relo. Kahit Timex ang relo, pareho pa rin ito ng oras ng Rolex.
Wednesday, December 26, 2007
"Mangangaroling Po!"
Puwede na ring pagtiyagaan ang boses nila (na siyempre'y hindi naman ensayado). Kahit mali-mali ang lyrics, napapalampas ko na rin. Isang bagay lang ang laging puna ko. Kapag natapos na silang kumanta, ang paborito nilang sigaw ay "Mangangaroling po!"
"Mangangaroling?"
Hindi ba't tapos na silang mangaroling? Dapat siguro'y "Nangaroling po!" o kaya'y "Nangangaroling po!" dahil sa totoo'y hindi pa naman sila tapos mangaroling hanggang hindi sila kumakanta ng "Thank you, thank you, ang babait (o babarat!) ninyo, thank you."
O kaya'y ang mas maganda sa tengang "Namamasko po!"
Kung "Mangangaroling po" kasi, parang magsisimula pa lang silang kumanta. Kung nais nilang gamitin ang "Mangangaroling po" sana'y iyon ang ibungad nilang sigaw pagtapat sa bawat bahay, bago silang bumanat ng karoling.
Hindi ko nagawang ituwid ang pagkakamali nila sa grammar dahil madalas naman ay hindi ako ang nag-aabot ng munting aginaldo (na karaniwa'y mamiso at mga kendi), kundi ang anak ko o ang kasambahay namin.
Iyan ang new year's resolution ko sa 2008. Tuturuan ko ang mga mangangaroling na bata.