Wednesday, December 26, 2007

"Mangangaroling Po!"

Makailang beses ding may nangaroling sa amin. Kapag gumagabi na nitong mga nagdaang araw, may mga grupo na ng bata na tumatapat sa bahay namin at kumakanta. Ang mga paborito nilang awit ay ang "Ang Pasko ay Sumapit" at "We Wish You a Merry Christmas."

Puwede na ring pagtiyagaan ang boses nila (na siyempre'y hindi naman ensayado). Kahit mali-mali ang lyrics, napapalampas ko na rin. Isang bagay lang ang laging puna ko. Kapag natapos na silang kumanta, ang paborito nilang sigaw ay "Mangangaroling po!"

"Mangangaroling?"

Hindi ba't tapos na silang mangaroling? Dapat siguro'y "Nangaroling po!" o kaya'y "Nangangaroling po!" dahil sa totoo'y hindi pa naman sila tapos mangaroling hanggang hindi sila kumakanta ng "Thank you, thank you, ang babait (o babarat!) ninyo, thank you."

O kaya'y ang mas maganda sa tengang "Namamasko po!"

Kung "Mangangaroling po" kasi, parang magsisimula pa lang silang kumanta. Kung nais nilang gamitin ang "Mangangaroling po" sana'y iyon ang ibungad nilang sigaw pagtapat sa bawat bahay, bago silang bumanat ng karoling.

Hindi ko nagawang ituwid ang pagkakamali nila sa grammar dahil madalas naman ay hindi ako ang nag-aabot ng munting aginaldo (na karaniwa'y mamiso at mga kendi), kundi ang anak ko o ang kasambahay namin.

Iyan ang new year's resolution ko sa 2008. Tuturuan ko ang mga mangangaroling na bata.

No comments: