Monday, December 31, 2007

K.J.

K.J. daw ako. Kasi naman kapag ganitong bisperas ng bagong taon, hindi ako bumibili ng anumang paputok. Kahit lusis man lang o kaya'y watusi.

Unang-una, gastos. At sa paniwala ko'y hindi naman importante. Kung gusto ko mabingi sa ingay, puwede naman akong makinig na lang sa ibang nagpapaputok. O mas mabuti, lalakasan ko na lang ang bolyum ng stereo namin at magpapatugtog ako ng hard core metal music... o kaya'y album ng Kamikaze.

At saka, ayokong ma-TV Patrol na nasa ospital, ngawa nang ngawa habang tila spaghetti ang mga duguang daliring nakalaylay dahil naputukan ng plapla o super lolo. Mati-TV rin lang, mas gugustuhin ko na 'yung may mga katabi akong artista at iniinterbyu ako tungkol sa susunod kong pelikula.

Ano nga ba ang saysay ng pag-iingay sa pagsalubong sa bagong taon? Ayon sa marami, namana natin ang tradisyong ito sa kulturang Tsino. Ang pag-iingay daw ay nagtataboy ng masasamang ispirito at malas, at magandang pagbati sa suwerte. At sabi nila, tutal bagong taon naman daw.

Naalala ko ang ilang kaibigan ko noong Disyembre 31, 1999. Nag-book sila sa mamahaling hotel, kasama ang buong pamilya, at talagang naglustay ng salapi upang masaksihan daw ang pagbabago ng milenyo. "Pare, minsan lang mangyari ang araw na ito. Hinding-hindi na ito uulit pa," katwiran nila.

Sa isip ko, teka, ang bawat araw ay minsan lang talaga magaganap. Ang Hulyo 2, 1978 o ang Setyembre 13, 1853, o kaya'y ngayong Disyembre 31, 2007 ay hinding-hindi na rin mangyayari kahit kailan. Kung pagbabasehan ang paniwala nila, dapat araw-araw ay nasa hotel sila at nagdiriwang!

Okey lang namang magdiwang, lalo't kasama ang mga mahal sa buhay. Ngunit kung ang dahilan lang ay ang sinasabing "kakaibang" araw, medyo hindi na ako palo riyan. Ang bawat araw ay kakaiba, natatangi, at dapat na gawing espesyal.

No comments: