Wednesday, January 16, 2008

Paghihintay

Ano ang ginagawa n'yo pag may hinihintay kayo? Halimbawa, nasa isang restoran ka at naghihintay sa pagdating ng ka-meeting mo? O kaya nasa klinika ka at naghihintay sa misis mong nagpapa-check up sa doktor? O kaya naman ay nasa departure area ka ng airport at naghihintay ng pag-board sa eroplano?

Ako, malamang na may tangang libro at nagbabasa. Kapag nagbabasa ako ng aklat, ayoko ng isang aklat lang. Ayoko ng tatapusin ko muna bago ako kumuha ng bagong babasahing aklat. Mas gusto ko 'yung dalawa hanggang tatlong aklat na pinagpapalit-palitan ko ng pagbabasa. Pipili ako ng isang pop novel, isang non-fiction, at siguro'y isang literature.

Kung hindi naman nagbabasa, malamang na ako'y nagsusulat. Puwedeng hindi aktuwal na nagsusulat gamit ang bolpen at papel o ang aking PDA, puwedeng nagsusulat ako "sa isip lang." Bilang isang comedy ventriloquist, lagi akong naghahagilap ng bagong materyales. Mga bagong linya, bagong bits na puwede kong gamitin sa entablado. Bilang isang makata, lagi rin akong nakikipaghabulan sa musang magbibigay sa akin ng mga bagong talinghaga.

Maaari rin namang gamitin ko ang panahon ng paghihintay sa pakikipag-usap ko sa sarili (siyempre, tahimik lang ako). Ano na ba ang estado ko sa buhay, ano na ang mga nagawa at hindi ko pa nagagawa, kumusta ang relasyon ko sa mga mahal sa buhay, ang buhay-ispiritwal ko, at iba pang pagmumuni-muni.

At kung hindi nagbabasa, nagsusulat, at nagmumuni-muni... malamang na nag-iisip ako ng puwedeng pagkakitaan.

Friday, January 11, 2008

Roro!


Nakasakay na ba kayo sa roro? Ito 'yung roll-on, roll-off na barko na ginagamit sa komersiyo, turismo, at iba pang klaseng paglalakbay sa ating bansa.

Aakalain n'yo bang sa larawang nasa itaas, ako'y nasa loob ng roro? (Kasama ko ang kaibigan kong TV host at komedyanteng si Gabe Mercado.) Parang nasa first-class hotel, di ba?

Sa buong buhay ko, kamakailan lang ako nakasakay sa barko, nang lumakbay kami sa halos 14 siyudad at probinsiya ng bayan nang gawin at i-shoot namin ang "Ready, Set, RORO!," a DBP interisland race. Parang "Amazing Race" ito, kasali ang ilang showbiz celebrities at ilan sa mahuhusay nating outdoor sports atheletes. Makailang beses din kaming nag-roro, at okey naman palang karanasan.

Sinulat at idinirek ko ang TV special na ito, na mapapanood n'yo na sa Enero 27, LINGGO, 9pm sa QTV. Ngayon nga'y abala ako sa pag-eedit nito.

Eto ang ilang teasers:

http://www.youtube.com/watch?v=ohWk4meN9jg

at

http://www.youtube.com/watch?v=s18gNzbJFYo&feature=related

Wednesday, January 9, 2008

Kakatawang Awards

MMFF 2007 WINNERS:

Best Actress - Maricel Soriano (Bahay Kubo)
Best Actor - Jinggoy Estrada (Katas ng Saudi)
Best Supporting Actress - Eugene Domingo (Bahay Kubo)
Best Supporting Actor - Roi Vinzon (Resiklo)
Best Child Performer - Nash Aguas (Shake, Rattle & Roll 9)

Best Picture: Resiklo
2nd Best Picture: Sakal, Sakali, Saklolo
3rd Best Picture: Enteng Kabisote 4: The Beginning of the Legend

Best Director - Cesar Apolinario (Banal)
Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award - Bahay Kubo and Katas ng Saudi (tie)
Most Gender-Sensitive Film - Desperadas
Best Screenplay - Joey Reyes (Katas ng Saudi)
Best Story - May Cruz and Cesar Apolinario (Banal)
Best Editing - Jay Halili (Resiklo)
Best Cinematography - Jay Linao (Resiklo)
Best Production Design - Rodel Cruz (Resiklo)
Best Visual Effect - Ignite Media (Resiklo)
Best Musical Score - Von De Guzman (Bahay Kubo)
Best Sound - Ditoy Aguila (Resiklo)
Best Make-Up - Rosalinda Lopez (Desperadas)
Best Original Theme Song - Wala Na Bang Pag-Asa?, composed by Rusty Fernandez (Anak ng Kumander)


Only in the Philippines!

Tingnan n'yong mabuti ang mga nagwagi. Ang best picture (na ang ibig sabihi'y pinakamagandang pelikula ng pista) ay Resiklo. Pero ang best director ay ang direktor ng Banal. Ang best screenplay ay ang sa Saudi. Ang best story ay Banal. Ang best actor ay si Jinggoy ng Saudi. Ang best actress ay si Maria ng Bahay Kubo.

Ang Banal, Saudi, at Bahay Kubo ay ni wala sa top 3 best pictures!

May award pa na Most Gender-Sensitive Film, na napunta naman sa Desperadas, na wala rin sa tatlong best pictures.

Buking na buking na gusto lang bigyan ng organizers ng award ang lahat ng kalahok na pelikula. Saan ka ba naman nakakita ng best picture, na hindi nakakuha ng best director o kaya best screenplay, o kaya best actor or actress? At saan ka ba naman nakakita ng best director o actor o actress o screenplay na ang kanilang pelikula ay wala man lang sa best 3 films?

Only in the Philippines.

Para sa akin, naglolokohan na lang tayo pagdating sa pagbibigay ng awards sa MMFF. Hahaha!

Tuesday, January 8, 2008

10Q sa Q10

Ang gusto kong kausapin ngayon ay ang mga katoto kong manunulat, o kung sino mang may hilig sa pagsusulat. May gusto akong bahagi sa inyo.

Gaya ng nabanggit ko na rito, ang gamit ko sa pagsusulat ngayon ay ang aking lumang Blackberry. Telepono ito, organizer, at word processor na rin. Ginagamit ko pa rin naman ang aking makinilya at fountain pen paminsan-minsan. E ang computer sa bahay?

Para sa akin, pang-internet lang ito at pang-edit ng word pagkaraan kong isulat sa Blackberry. Hindi ako nawiling humarap sa computer para magsulat.

Ngunit eto na nga ang ibabahagi ko sa inyo. Ewan kung nadiskubre n'yo na ito. Software ito na word editor. Idinisenyo talaga para sa mga manunulat. Ang maganda rito, talagang makakapokus ka sa pakikipag-usap sa musa at aktuwal na pagsusulat--wala kasing ibang bagay sa screen na puwedeng makaistorbo sa iyo.

At ito ang pinakagusto ko rito. May option na sa bawat pindot sa keyboard ay may tunog na tila takatak ng makinilya. Kaya habang nagko-computer ka ay para ka na ring nakaharap sa makinilya. Salamat sa Q10.

Nasubukan ko na ito, at nagustuhan ko naman bagaman hindi pa ako nakakaakda ng mahaba-habang piyesa rito. Eto ang link:

http://www.baara.com/q10/

Ang mga manunulat talaga, makapagsulat lang nang maayos, marami ring kati sa katawan!

Monday, January 7, 2008

Beatles Trip


Dahil sa hapon lang ang show ko kahapon, nag-music trip ako buong umaga.

Beatles!

Gaya ng maraming nasa paga-30, 40 anyos pataas, tagahanga ako ng Beatles. Mangha ako sa kalidad ng musika nila. Aliw ako sa mga obra nina Lennon at McCartney. Ibang klase talaga.

Sa dami ng album nila, natural na hindi ko naman mapapatugtog lahat. Nagsimula ako sa album na Revolver. Tapos Magical Mystery Tour. Tapos Abbey Road. At nagtapos ako sa pinaka-experimental na album nila, ang Sgt. Pepper's Lonely Hearts Club Band.

Naisipan kong magbalik-Beatles kasi nitong weekend ay may nabili akong aklat, ang “Hard Day's Write,” koleksiyon ng mga kuwento kung paano nabuo ang bawat awit ng Beatles. Nang mabasa ko ito, lalo akong naintrigang pakinggan muli ang mga obra nila.

Kababasa ko lang din ng isang aklat ni Bo Sanchez. At doon ay nabanggit niya muli na mahalagang gamitin natin ang ating core gifts--'yung bagay na pinakagusto nating gawin at kung saan tayo mahusay. Iyon daw ang susi ng kaligayahan at tagumpay.

Ganoon ang Beatles. Ginawa lang nila ang bagay na gustong-gusto nilang gawin at kung saan sila magaling: ang lumikha ng mga awitin at magtanghal.

Kaya naman sila nagtagumpay.

Sunday, January 6, 2008

Bagong Silbi



Nitong mga nagdaang linggo, kinagiliwan kong magsulat gamit ang aking lumang Blackberry 7230 PDA/phone--at siyempre, gamit ang dalawa kong hinlalaki. Ang lahat ng entries ko sa blog na ito, ang lahat ng borador ng mga huling nasulat kong tula, ang script outlines, at mga sanaysay na nasulat ko--pawang nanggaling sa maliit na teleponong ito.

Bago ko naisipang gawing main writing tool ko ito, malimit na sa makinilya pa rin ako nakaharap, o kaya'y gamit ko'y fountain pen at papel.

Matagal ko nang gamit ang Blackberry ko, mga apat na taon na. Ngunit bilang telepono at organizer lang. Ilang beses ko na itong nabagsak, kaya may mga gasgas at bukol na rin ito, 'ika nga. Bandang Oktubre ng nakaraang taon ay bigla na lang nasira ito. Hindi ko na naipagawa, itinago ko na lang. Bumili ako ng medyo cheap na Nokia. Noong nakaraang buwan, naisipan kong i-charge muli ang aking Blackberry at laking gulat ko nang bigla itong gumana uli! Naisipan kong ring gamitin itong writing tool, at nagulat din akong mabilis akong nakakasulat dito kahit nasaan ako.

Kaya patuloy ko itong ginagamit. Nadiskubre ko ang ibang kilatis ng isang gamit na akala ko'y wala nang silbi. May iba pala siyang gamit! At anong laking tulong sa akin.

Ganyan naman yata talaga sa buhay. May mga bagay na mas nakikilala natin, mas nalalaman natin ang silbi sa atin kapag minsa'y nawaglit sa ating buhay.

Saturday, January 5, 2008

"Donasyon"

Nitong nagdaang ilang linggo, marami rin bang kumatok sa bahay n'yo at nagpakilalang miyembro ng simbahan at nanghihingi ng donasyon?

Sa amin, napakarami. Akala ko'y ibig lang mangaroling o humingi ng aginaldo, pero makikita ko na lang na may tangang sobre at nakangiting babati. “Good morning po, sa church missionary po. Hihingi lang ng donation,” anang lalaking maayos naman ang bihis.

May pagkakataong African-American naman ang bibisita (na kung pakikinggan mong mabuti pag nagsasalita ay mas magaling pang mag-Tagalog kay Martin Nievera), ganoon din ang script niya. Minsan, grupo ng mga babae. Meron ding matatanda na kung makakatok, sa lakas akala mo'y may nagsindi ng mga super lolo at plapla sa harap mo.

May nakahanda naman akong sagot palagi. “Anong simbahan po kayo?” At madalas ang sasabihing simbahan ay 'yung nasa ilang milya yata sa amin ang layo. 'Yung iba, pangalan ng iglesyang ngayon ko lang narinig ang isasagot.

Siyempre, hindi naman ako ipinanganak kahapon lang upang di ko mahalatang gumigimik lang sila para magkapera. Maraming ganyan talaga ngayon, ginagamit pati Diyos upang manlinlang ng kapwa.

Madali ko naman sila napapaalis ng gate namin. Simpleng ganito lang: “May simbahan kami dyan dito sa village at doon ho kami nagdo-donate,” sasabihin ko.

“Kahit magkano lang po,” sasabihin sa akin.

“Teka, bakit hindi kayo manghingi sa mga miyembro ng simbahan n'yo--o doon kaya sa lugar n'yo?”

Pag narinig nila 'yun, mabilis na silang tatalilis. Pasensiya sila, mataray din ang lolo n'yo paminsan-minsan.

Thursday, January 3, 2008

Sa Pagpunta sa Bangko

Nitong nagdaang Kapaskuhan ay malimit akong napabisita sa mga bangko, upang magdeposito o mag-withdraw ng pera. At siyempre inasahan ko na ang mga kabuwisitang maaari kong maranasan.

Narito ang ilang tips ko para sa inyo sa susunod na pagpunta n'yo sa bangko:

-Magdala ka ng nobela, kung maaari ay 'yung dalawang obra ni Jose Rizal. Sa tagal mong maghihintay bago matawag ng teller ang pangalan mo, siguradong matatapos mo uli ang kuwento nina Ibarra at Elias. Kung ayaw mong magbasa ng nobela, magdala na lang ng lapis at mga papel at magsulat ka na lang ng nobela.

-Magdala ka ng ballpen. Ewan ko ba kung bakit, alam nating maraming pera ang bangko pero bakit pag gagamit ka ng bolpen nila para sulatan ang forms, malamang na walang tinta. Parang hindi nila kayang bumili ng gumaganang bolpen. At magugulat ka dahil tinatalian pa nila 'yung mga bolpen. Sino ba naman ang magbabalak pang magsilid sa bulsa ng mga bolpeng walang tinta?

-'Wag kang maglalabas ng cellphone pag nasa loob ka na ng bangko. Ang mga guwardiya nila, trained yatang mag-identify ng anumang cellphone unit at model kahit isang milya ang layo mo. Pag nakita nilang may tangan kang cellphone, lalapitan ka tiyak at bubulungan: “Bawal po cellphone dito.” Kung magkataong sabihan ka nila nito, ang isagot mo: “Bakit bawal, e nagsusudoku lang ako?” Alam man ng guwardiya o hindi ang sudoku, malamang na payagan ka na niyang magpipindot sa cellphone mo.

-Panghuli, huwag kang maingay pag nasa loob ng bangko. Baka may maistorbo kang nagbabasa ng nobela o nagso-solve ng sudoku. May nakasabay ako doon nung isang araw. Habang naghihintay kaming tawagin ang pangalan namin (na parang raffle draw!), may dalawang babaeng nagtsitsismisan. Kesyo hiwalay na raw sina Cesar Montano at Sunshine Cruz, kesyo si Gaby raw ang mananalo sa Big Brother, etc. 'Yung isang katabi ko, hindi na nakatiis. Isinumbong sa guard 'yung mga tsismosa. Lapit ang guward at pinagsabihan sila. Akala mo ba huminto? Haha. Lumabas ang dalawang bruha at doon sa labas itinuloy ang tsismisan!

Tuesday, January 1, 2008

Weather-weather

Hindi ko matukoy ang eksaktong petsa, pero ang tantiya ko'y circa 1980 nang mapakinggan ko isang gabi sa radyo, sa DZBB, sa programa ng yumaong aktor na si Jaime dela Rosa ang impormasyong ito.

Diumano, ayon sa aktor, mahuhulaan natin ang buwanang general weather condition dito sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagmamatyag sa mga unang araw ng Enero. Nakakaintriga, di ba?

Ganito raw iyon. Ang weather sa Enero 1 ay ang kondisyon ng weather ng buong Enero. Ang weather naman sa Enero 2 ay ang kondisyon ng weather ng buong Pebrero. Ang Enero 3, Marso naman. Ang Enero 4, Abril. Hanggang Enero 12, na kondisyon naman ng Disyembre.

Eto pa. Kung sa kalagitnaan ng araw ay umulan, malamang na sa kalagitnaan din ng buwan ay uulan din. Halimbawa, kapag umulan sa tanghali ng Enero 6, pumusta ka na na uulan sa kalagitnaan ng Hunyo.

Nang marinig ko ang episode na iyon ng programa ni Jaime dela Rosa, naging gawi ko na taun-taon na pakiramdaman at pagmasdan ang weather condition ng bawat araw mulang Enero 1 hanggang 12. At nakakagulat talaga dahil magandang palatandaan nga iyon ng pangkalahatang takbo ng panahon sa isang buong taon! Puwede kong sabihing 70-80 porsiyentong tama ang prediksiyong iyon.

Kaya simula ngayong araw na ito hanggang sa Enero 12, kung nais n'yo ay tingnan n'yo na rin ang lagay ng panahon sa bawat araw... at alamin n'yo sa inyong sarili kung may katwiran ang nabanggit ng beteranong aktor at radio announcer.

Ipinapasa ko sa inyo ngayon ang narinig kong iyon sa radyo isang gabi, halos tatlong dekada na ang nakakaraan. Nawa'y maging mas makabuluhan at matagumpay ang inyong 2008.

Hmmm... hindi kaya ganito lang ang ginagawa ng PAGASA?