Tuesday, January 1, 2008

Weather-weather

Hindi ko matukoy ang eksaktong petsa, pero ang tantiya ko'y circa 1980 nang mapakinggan ko isang gabi sa radyo, sa DZBB, sa programa ng yumaong aktor na si Jaime dela Rosa ang impormasyong ito.

Diumano, ayon sa aktor, mahuhulaan natin ang buwanang general weather condition dito sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagmamatyag sa mga unang araw ng Enero. Nakakaintriga, di ba?

Ganito raw iyon. Ang weather sa Enero 1 ay ang kondisyon ng weather ng buong Enero. Ang weather naman sa Enero 2 ay ang kondisyon ng weather ng buong Pebrero. Ang Enero 3, Marso naman. Ang Enero 4, Abril. Hanggang Enero 12, na kondisyon naman ng Disyembre.

Eto pa. Kung sa kalagitnaan ng araw ay umulan, malamang na sa kalagitnaan din ng buwan ay uulan din. Halimbawa, kapag umulan sa tanghali ng Enero 6, pumusta ka na na uulan sa kalagitnaan ng Hunyo.

Nang marinig ko ang episode na iyon ng programa ni Jaime dela Rosa, naging gawi ko na taun-taon na pakiramdaman at pagmasdan ang weather condition ng bawat araw mulang Enero 1 hanggang 12. At nakakagulat talaga dahil magandang palatandaan nga iyon ng pangkalahatang takbo ng panahon sa isang buong taon! Puwede kong sabihing 70-80 porsiyentong tama ang prediksiyong iyon.

Kaya simula ngayong araw na ito hanggang sa Enero 12, kung nais n'yo ay tingnan n'yo na rin ang lagay ng panahon sa bawat araw... at alamin n'yo sa inyong sarili kung may katwiran ang nabanggit ng beteranong aktor at radio announcer.

Ipinapasa ko sa inyo ngayon ang narinig kong iyon sa radyo isang gabi, halos tatlong dekada na ang nakakaraan. Nawa'y maging mas makabuluhan at matagumpay ang inyong 2008.

Hmmm... hindi kaya ganito lang ang ginagawa ng PAGASA?

No comments: