Nitong nagdaang ilang linggo, marami rin bang kumatok sa bahay n'yo at nagpakilalang miyembro ng simbahan at nanghihingi ng donasyon?
Sa amin, napakarami. Akala ko'y ibig lang mangaroling o humingi ng aginaldo, pero makikita ko na lang na may tangang sobre at nakangiting babati. “Good morning po, sa church missionary po. Hihingi lang ng donation,” anang lalaking maayos naman ang bihis.
May pagkakataong African-American naman ang bibisita (na kung pakikinggan mong mabuti pag nagsasalita ay mas magaling pang mag-Tagalog kay Martin Nievera), ganoon din ang script niya. Minsan, grupo ng mga babae. Meron ding matatanda na kung makakatok, sa lakas akala mo'y may nagsindi ng mga super lolo at plapla sa harap mo.
May nakahanda naman akong sagot palagi. “Anong simbahan po kayo?” At madalas ang sasabihing simbahan ay 'yung nasa ilang milya yata sa amin ang layo. 'Yung iba, pangalan ng iglesyang ngayon ko lang narinig ang isasagot.
Siyempre, hindi naman ako ipinanganak kahapon lang upang di ko mahalatang gumigimik lang sila para magkapera. Maraming ganyan talaga ngayon, ginagamit pati Diyos upang manlinlang ng kapwa.
Madali ko naman sila napapaalis ng gate namin. Simpleng ganito lang: “May simbahan kami dyan dito sa village at doon ho kami nagdo-donate,” sasabihin ko.
“Kahit magkano lang po,” sasabihin sa akin.
“Teka, bakit hindi kayo manghingi sa mga miyembro ng simbahan n'yo--o doon kaya sa lugar n'yo?”
Pag narinig nila 'yun, mabilis na silang tatalilis. Pasensiya sila, mataray din ang lolo n'yo paminsan-minsan.
Saturday, January 5, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment