Nitong nagdaang Kapaskuhan ay malimit akong napabisita sa mga bangko, upang magdeposito o mag-withdraw ng pera. At siyempre inasahan ko na ang mga kabuwisitang maaari kong maranasan.
Narito ang ilang tips ko para sa inyo sa susunod na pagpunta n'yo sa bangko:
-Magdala ka ng nobela, kung maaari ay 'yung dalawang obra ni Jose Rizal. Sa tagal mong maghihintay bago matawag ng teller ang pangalan mo, siguradong matatapos mo uli ang kuwento nina Ibarra at Elias. Kung ayaw mong magbasa ng nobela, magdala na lang ng lapis at mga papel at magsulat ka na lang ng nobela.
-Magdala ka ng ballpen. Ewan ko ba kung bakit, alam nating maraming pera ang bangko pero bakit pag gagamit ka ng bolpen nila para sulatan ang forms, malamang na walang tinta. Parang hindi nila kayang bumili ng gumaganang bolpen. At magugulat ka dahil tinatalian pa nila 'yung mga bolpen. Sino ba naman ang magbabalak pang magsilid sa bulsa ng mga bolpeng walang tinta?
-'Wag kang maglalabas ng cellphone pag nasa loob ka na ng bangko. Ang mga guwardiya nila, trained yatang mag-identify ng anumang cellphone unit at model kahit isang milya ang layo mo. Pag nakita nilang may tangan kang cellphone, lalapitan ka tiyak at bubulungan: “Bawal po cellphone dito.” Kung magkataong sabihan ka nila nito, ang isagot mo: “Bakit bawal, e nagsusudoku lang ako?” Alam man ng guwardiya o hindi ang sudoku, malamang na payagan ka na niyang magpipindot sa cellphone mo.
-Panghuli, huwag kang maingay pag nasa loob ng bangko. Baka may maistorbo kang nagbabasa ng nobela o nagso-solve ng sudoku. May nakasabay ako doon nung isang araw. Habang naghihintay kaming tawagin ang pangalan namin (na parang raffle draw!), may dalawang babaeng nagtsitsismisan. Kesyo hiwalay na raw sina Cesar Montano at Sunshine Cruz, kesyo si Gaby raw ang mananalo sa Big Brother, etc. 'Yung isang katabi ko, hindi na nakatiis. Isinumbong sa guard 'yung mga tsismosa. Lapit ang guward at pinagsabihan sila. Akala mo ba huminto? Haha. Lumabas ang dalawang bruha at doon sa labas itinuloy ang tsismisan!
Thursday, January 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment