Sunday, January 6, 2008
Bagong Silbi
Nitong mga nagdaang linggo, kinagiliwan kong magsulat gamit ang aking lumang Blackberry 7230 PDA/phone--at siyempre, gamit ang dalawa kong hinlalaki. Ang lahat ng entries ko sa blog na ito, ang lahat ng borador ng mga huling nasulat kong tula, ang script outlines, at mga sanaysay na nasulat ko--pawang nanggaling sa maliit na teleponong ito.
Bago ko naisipang gawing main writing tool ko ito, malimit na sa makinilya pa rin ako nakaharap, o kaya'y gamit ko'y fountain pen at papel.
Matagal ko nang gamit ang Blackberry ko, mga apat na taon na. Ngunit bilang telepono at organizer lang. Ilang beses ko na itong nabagsak, kaya may mga gasgas at bukol na rin ito, 'ika nga. Bandang Oktubre ng nakaraang taon ay bigla na lang nasira ito. Hindi ko na naipagawa, itinago ko na lang. Bumili ako ng medyo cheap na Nokia. Noong nakaraang buwan, naisipan kong i-charge muli ang aking Blackberry at laking gulat ko nang bigla itong gumana uli! Naisipan kong ring gamitin itong writing tool, at nagulat din akong mabilis akong nakakasulat dito kahit nasaan ako.
Kaya patuloy ko itong ginagamit. Nadiskubre ko ang ibang kilatis ng isang gamit na akala ko'y wala nang silbi. May iba pala siyang gamit! At anong laking tulong sa akin.
Ganyan naman yata talaga sa buhay. May mga bagay na mas nakikilala natin, mas nalalaman natin ang silbi sa atin kapag minsa'y nawaglit sa ating buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment