Monday, January 7, 2008
Beatles Trip
Dahil sa hapon lang ang show ko kahapon, nag-music trip ako buong umaga.
Beatles!
Gaya ng maraming nasa paga-30, 40 anyos pataas, tagahanga ako ng Beatles. Mangha ako sa kalidad ng musika nila. Aliw ako sa mga obra nina Lennon at McCartney. Ibang klase talaga.
Sa dami ng album nila, natural na hindi ko naman mapapatugtog lahat. Nagsimula ako sa album na Revolver. Tapos Magical Mystery Tour. Tapos Abbey Road. At nagtapos ako sa pinaka-experimental na album nila, ang Sgt. Pepper's Lonely Hearts Club Band.
Naisipan kong magbalik-Beatles kasi nitong weekend ay may nabili akong aklat, ang “Hard Day's Write,” koleksiyon ng mga kuwento kung paano nabuo ang bawat awit ng Beatles. Nang mabasa ko ito, lalo akong naintrigang pakinggan muli ang mga obra nila.
Kababasa ko lang din ng isang aklat ni Bo Sanchez. At doon ay nabanggit niya muli na mahalagang gamitin natin ang ating core gifts--'yung bagay na pinakagusto nating gawin at kung saan tayo mahusay. Iyon daw ang susi ng kaligayahan at tagumpay.
Ganoon ang Beatles. Ginawa lang nila ang bagay na gustong-gusto nilang gawin at kung saan sila magaling: ang lumikha ng mga awitin at magtanghal.
Kaya naman sila nagtagumpay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment