Wednesday, January 16, 2008

Paghihintay

Ano ang ginagawa n'yo pag may hinihintay kayo? Halimbawa, nasa isang restoran ka at naghihintay sa pagdating ng ka-meeting mo? O kaya nasa klinika ka at naghihintay sa misis mong nagpapa-check up sa doktor? O kaya naman ay nasa departure area ka ng airport at naghihintay ng pag-board sa eroplano?

Ako, malamang na may tangang libro at nagbabasa. Kapag nagbabasa ako ng aklat, ayoko ng isang aklat lang. Ayoko ng tatapusin ko muna bago ako kumuha ng bagong babasahing aklat. Mas gusto ko 'yung dalawa hanggang tatlong aklat na pinagpapalit-palitan ko ng pagbabasa. Pipili ako ng isang pop novel, isang non-fiction, at siguro'y isang literature.

Kung hindi naman nagbabasa, malamang na ako'y nagsusulat. Puwedeng hindi aktuwal na nagsusulat gamit ang bolpen at papel o ang aking PDA, puwedeng nagsusulat ako "sa isip lang." Bilang isang comedy ventriloquist, lagi akong naghahagilap ng bagong materyales. Mga bagong linya, bagong bits na puwede kong gamitin sa entablado. Bilang isang makata, lagi rin akong nakikipaghabulan sa musang magbibigay sa akin ng mga bagong talinghaga.

Maaari rin namang gamitin ko ang panahon ng paghihintay sa pakikipag-usap ko sa sarili (siyempre, tahimik lang ako). Ano na ba ang estado ko sa buhay, ano na ang mga nagawa at hindi ko pa nagagawa, kumusta ang relasyon ko sa mga mahal sa buhay, ang buhay-ispiritwal ko, at iba pang pagmumuni-muni.

At kung hindi nagbabasa, nagsusulat, at nagmumuni-muni... malamang na nag-iisip ako ng puwedeng pagkakitaan.

No comments: