Wednesday, April 30, 2008

Bo

Si Bo Sanchez ang isa sa pinaka-interesting na tao na nakilala ko. Mahusay na manunulat, tagapagsalita, at lider--sangrekwang tao ang nabibigyan niya ng inspirasyon.

Naimbitahan ako ng kanilang organisasyon dati upang magtanghal sa paglulunsad ng isa nilang magasin. Naalala ko lang ito ngayon dahil nagbabasa ako ng isa niyang aklat. Nais kong ibahagi sa inyo ang pag-guest kong iyon.

Salamat uli, Brother Bo!

Eto ang link:

http://kerygmafamily.com/view.php?mediaid=202:flv

Monday, March 31, 2008

"Don't try this at home"

TV commercial uli tayo.

Napanood n'yo na ba ang TVC (TV commercial) ngayon ng Downy? Hindi ko na ikukuwento ang buong ad, sapat nang ihayag ko ang puna ko.

May eksena roon na tumalon mula sa itaas ng malaking billboard ang isang babae. At sa ibaba ng screen ay may supers (superimposed text) na: PLEASE DON'T TRY THIS AT HOME.

Siyempre, natawa lang ako. Ewan kung napansin n'yo, pero kahit naman gusto mong subukang gawin iyon sa bahay n'yo--hindi n'yo magagawa.

Wala namang billboard sa bahay e.

Puwede namang PLEASE DON'T TRY THIS na lang.

Ewan kung paano nakakalusot ang ganyang detalye.

Friday, March 21, 2008

Promo video

'Yung isang agent ko, nagpagawa sa akin ng promo video ko para sa aking adult comedy shows. Eto, gusto kong ibahagi sa inyo...

Enjoy!

Tuesday, March 18, 2008

Pacman

Kapag may laban si Manny Pacquiao, lahat ng Pinoy ay nagiging instant boxing analysts. Lahat ay may kanya-kanyang prediksiyon sa kung ano ang magaganap sa laban. Mayroong 4 rounds KO, 7 rounds, 10 rounds, may decision, at iba pa.

Nang matapos ang labang Pacquiao-Marquez nitong Linggo, nagwagi si Pacman via split decision. At gaya ng inaasahan, lahat ng Pinoy ay naging boxing analysts uli. May sumasang-ayon sa panalo ni Pacman, may hindi pumapabor sa mga hurado.

Ang ikinagulat ko ay ang komento ng dalawang beteranong boxing analysts sa "24 oras," news program ng GMA. Ayon kay Recah Trinidad, isa sa mga hinahangaan kong sportswriters, dapat daw imbestigahan ang hatol ng mga hurado. Hindi siya pabor na nanalo si Pacman. Duda niya, may dayaan.

Iniskoran ko rin ang laban nila, at lumabas sa iskor kong nagwagi si Marquez, 114-113. Alam kong gitgitan ang laban at kahit sino sa kanila ay maaaring manalo. Kaya hindi ako nagulat nang manalo nga si Pacman. Pero bakit ganoon ang reaksiyon ni Recah? Para bang walang kalaban-laban si Pacman kay Marquez noong laban nila.

Bakit hindi na lang natin tanggapin ang hatol ng tatlong hurado? Sa "American Idol," maraming magagaling na singers ang hindi nakalusot sa tatlong hurado dahil at least dalawa sa kanila ang hindi pumabor. At marami ring hindi mahuhusay na singers ang pumasa dahil at least dalawa sa mga hurado ang pumabor.

Gano'n talaga ang labanan!

Ang isang magandang indikasyon pa na gitgitan ang labanan: pagtabihin n'yo ang mukha nina Pacman at Marquez pagkatapos ng 12 rounds. Kapwa sila bugbog-sarado! Puwede pa ba natin sabihing one-sided for Marquez ang laban?

'Yung isang analyst naman na tinutukoy ko (hindi ko maalala ang pangalan, pero isa siyang abogado), ang sabi kaya raw ipinanalo ng mga hurado si Pacman ay dahil mas malaking pera ang involved pag siya ang lumalaban.

Teka, malaking kahunghangan ang ganitong paniwala. E kung ang paniwala ni Attorney ang susundin natin, aba'y hindi na dapat matalo si Pacman kahit kailan!

Saturday, March 8, 2008

Yari Ka!

Isang gabi ay nakatanggap ako ng tawag mula sa komedyanteng si Michael V. Ang hirap ko raw hanapin. Tila nawala niya ang telephone number ko.

Mag-guest daw ako sa "Bitoy's Funniest Videos" ng GMA. Sa YARI KA segment. Isama ko daw si Nonoy, and aking papet.

Nagkakilala kami ni Bitoy sa isang speaking event. Pagkatapos kong magbigay ng talk, siya naman ang sumunod. Sa dressing room ay nagkausap kami tungkol sa mga pinaggagagawa namin, at nagpalitan kami ng contact numbers.

Nag-taping kami sa isang medyo luma nang gusali sa QC. Masayang karanasan iyon para sa akin. Noong Marso 1, lumabas ang episode na iyon sa GMA.

Nakita ko ang video na ito. Sana'y mag-enjoy kayo.

Yari ka!

Thursday, March 6, 2008

Nasaan na ang OPM?

OPM o Original Pilipino Music ang gusto kong pag-usapan natin ngayon.

Kanina ay napanood ko sa isang morning TV show na na-feature ang singer na si Jaya at ang kanyang bagong album, pinamagatang "Cool Change." Kanina ring hapon ay napasyal ako sa SM Southmall at nakita ko ang bagong album ng singer na si Kyla, pinamagatang "Heartfelt."

Ang dalawang album na nabanggit ko ay puro cover versions ng mga banyagang awit.

Nasaan na ang OPM?

Panghihinayang ang unang nadama ko nang makita ko ang dalawang album. Sayang na lang ang talento nina Jaya at Kyla. Puwede naman silang gumawa ng all-original Pinoy music album, pero bakit puro covers ng dayuhang musika? Kaya mas gusto ko pang pakinggang ang mga banda natin, gaya ng Eraserheads at Parokya ni Edgar, dahil puro orig ang tugtugin nila.

Wala na tayong mga Basil Valdez, Rico J. Puno, at iba pang mas OPM ang inaatupag kantahin kaysa banyagang awitin. Okey lang naman mag-cover ng awit ng banyaga (ginawa na rin ni Rico J. Puno 'yan dati sa "The Way We Were" version niya), pero huwag naman buong album! Tingnan n'yo ang karamihan sa mga album ng singers natin ngayon, puro covers.

Covers, covers, covers. Wala na ba tayong mahuhusay na kompositor? Nauubusan na ba tayo ng awit?

Sa pananaw at paniwala ko, hindi natin naiuusog ang ating OPM kung puro cover na lang ang gagawing albums at kakantahin sa mga konsiyerto ng ating singers.

Saka oo nga pala, bakit ba tinawag na OPM ang musikang Pinoy? Bakit ORIGINAL Pilipino Music? Bakit may "Original" pa? Meron bang HINDI ORIGINAL O PEKENG Pilipino Music? Kung meron, e di 'wag nating tawaging Pilipino Music--kasi nga'y peke!

Sa English, a piece of music is either Pilipino Music or not.

Pilipino Music--o mas tamang Filipino Music--na lang. Tanggalin na 'yang "Original" sa OPM.

Wednesday, March 5, 2008

Egg Bag

Ang kauna-unahang pangarap ko ay ang maging magician. Pero eto nga't naging manunulat ako at bentrilokista.

Ngunit sa puso ko'y magician pa rin ako. Sa aking shows bilang ventriloquist, paminsan-minsan ay nagsisingit ako ng magic tricks. Isang pinakapaborito ko ay ang classic na egg bag trick.

Nitong nakaraang buwan ay naimbitahan ako ng National Commission for Culture and the Arts upang magtanghal doon sa pagsisimula ng kanilang Philippine Arts Festival. Sa aking show ay nagsingit ako ng isang magic--ang aking egg bag trick.

Eto 'yun:

Abracadabra!

Tuesday, March 4, 2008

Edgar Bergen



Marami ang nagtatanong sa akin, sino raw ba ang idolo ko sa napakaraming ventriloquists? Walang kaduda-dudang si Edgar Bergen, ang pinakapamosong ventriloquist sa kasaysayan.

Si Bergen ay ipinanganak noong 1903 at namatay noong 1978. Una siyang nagtrabaho sa vaudeville, ngunit mas nakilala bilang ventriloquist sa radyo! Ang figures (dummies) niya ay sina Charlie McCarthy, Mortimer Snerd, at Effie Klinker.

Maraming tumutuya sa vent techniques niya dahil malimit na bumubuka-buka ang mga labi niya habang nagpe-perform. Hindi siya perfect sa lip control. Pero hindi naging dahilan 'yun para hindi siya sumikat at halos maging "diyos" ng lahat ng ventriloquists. Ang kilatis niya ay kung paanong buhay na buhay niyang ipinakilala ang kanyang figures sa tao. Napakagaling niya sa "figure manipulation" o kung paanong pagalawin ang hawak niyang papet.

Narito ang isang halimbawa ng kanyang short film:



Enjoy!

Tuesday, February 26, 2008

"Gitna" ng door?

Matagal-tagal din akong nagtrabaho bilang manunulat ng adbertisment, kaya hanggang ngayon ay mahilig pa rin akong mag-ukilkil ng mga napapanood, naririnig, at nababasa kong adbertisment. At, gaya ng dati, kahit sa sarili ko'y hindi ko maiwasang mag-critic ng mga commercials. Paminsan-minsan ay isusulat ko rito ang mga obserbasyon ko.

Gaya na lang ng napapanood nating TV commercial ng Colgate. Ang aktres/TV host na si Carmina Villarroel, at ang dalawang anak niya, ang endorsers. Sa eksena, nagpipinta sila ng bahay. Sa isang punto, naitanong ni Carmina sa anak ang ganito (ewan kung ganito nga ang eksaktong linya), "'Yung gitna ng door, napintahan mo na?"

"Gitna" ng door? Samantalang ang tinutukoy niya ay 'yung singit o gilid ng pinto--'yung bahaging kinakabitan ng bisagra.

Ang gitna ng pinto ay 'yung GITNA ng pinto, hindi gilid. Hindi ba mas tama na sabihin ni Carmina, "'Yung gilid ng door..." o kaya "'Yung singit ng door..."

Alam kong buwan-buwan, o kung minsa'y taon pa, ang lumilipas bago makalikha ng TV commercial. Ewan kung paanong nakapasa iyan.

Monday, February 18, 2008

Death threats?

Hahahahaha!!!

Noong nakaraang linggo, ibinalita ng gobyerno na may matitinding death threats daw ang Pangulong Arroyo--kaya naman hindi siya nagtungo sa Alumni Homecoming ng PMA sa Baguio City. Imbes na sa Baguio, sa Pangasinan na lang nagtungo ang Pangulo.

Pasensiya na kayo't hindi ko lang mapigilang sabihin ito. Siguro naman ay hindi n'yo ako kokontrahin kapag sinabi kong ang PMA sa Baguio City ang isa sa mga pinakaligtas na lugar sa sinuman, lalo na sa Pangulo. Punong-puno ng militar--mga opisyal pa!--ang lugar na iyon, na ang sinumpaang tungkulin ay bantayan ang bayan sa sinumang magtatangkang manggulo.

Tapos doon pa hindi ligtas ang Pangulo roon?

At kung hindi ligtas sa PMA, ano pang lugar na ligtas sa bansa?

Hahahahaha!!!

Isa pa, ang Pangulo ay LAGING may death threats. Kaya 'wag nila tayong pinaiikut-ikot.

Niloloko talaga tayo ng mga siraulong ito!

Friday, February 15, 2008

Funny Valentine



Kagabi ay may Valentine show kami ng aking kaibigang komedyanteng si Jon Santos sa Phil. Stock Exchange Tower One building sa Ayala, Makati. Okay din naman dahil matagal-tagal na kaming hindi nagkasama ni Jon sa isang show. Sa show namin, dalawang popular characters ang inimpersonate niya, sina Ate Vi at Armida Siguion-Reyna. As usual, hit na hit ang monologues niya.

Si Jon ang isa sa pinakamagagaling nating stand-up comics. Matagal kaming nagkasama sa The Comfort Room comedy bar dati kaya alam na alam ko ang kalibre niya. Ang kakaiba kay Jon, bawat performance niya ay todong pinaghahandaan niya. Kakaiba ang preparasyon niya. Kakaiba ang research niya. Kaya naman kakaiba rin ang pagtatanghal niya.

Sa portion ko naman, kami lang ni Mr. Parley, ang lasing kong figure. Ikinuwento ni Mr. Parley ang kamalasan niya dahil wala siyang ka-Valentine. At masaya naman ako't nakiliti rin namin ang audience.

Wednesday, February 13, 2008

Smoking Kills!

Hindi ako nagsisigarilyo. Pero isang araw na napasyal ako sa SM, nakatihan kong busisiin ang isang stall na nagtitinda ng tabako. Nagagandahan kasi ako sa ibinebenta nilang wood case ng tabako, baka 'ka ko magamit ko sa shows ko.

Sa pag-ikot ng mata ko sa mga nakahilera't nagpatong-patong na tabako, napansin ko ang maliliit na karatulang nakadikit sa mga case ng tabako:

GOVERNMENT WARNING: SMOKING KILLS!

Aba, bago ito sa akin. Ang madalas ko kasing mabasa, GOVERNMENT WARNING: SMOKING IS DANGEROUS TO YOUR HEALTH. Pero iba ngayon. Mas matapang. Mas may dating.

Tinanong ko sa saleswoman kung bakit gano'n na ang nakasulat. Aniya, 'yun daw ang medyo bagong warning, ngunit ginagamit pa rin daw 'yung dati.

Ang babala ng gobyerno, nakamamatay ang paninigarilyo. Kung alam pala nilang gano'n ang epekto nito, bakit pa patuloy na hinahayaang legal na ibenta at gamitin ng taumbayan?

Siyempre alam kong alam n'yo na ang sagot: Pera-pera lang 'yan! Kahit na alam ng gobyerno na napakasama ang naidudulot ng yosi sa taumbayan--nagsisigarilyo man o hindi--hinahayaan lang ng ating mga lider basta lang kumita ng pera.

E kung gano'n din lang ang rason, bakit hindi na lang hayaan ding ibenta at gamitin nang legal ang extacy?

Thursday, February 7, 2008

Si Takaw at ang mga may "K"


Noong isang Sabado ay naimbitahan akong magtanghal sa lobby ng East Avenue Medical Center sa Quezon City. Patapos na kasi ang cancer awareness week at may programa roon ang Kapisanan ng mga may 'K' sa Pilipinas, na ang kasalukuyang pangulo ay ang matagal ko nang kaibigang Vim Nadera. Pagkatapos ng misa ay nagsimula na ang palatuntunan. Namigay sila ng iba-ibang kulay na bandana, at lahat ay inimbitahang isuot iyon sa ulo, bilang pakikiisa sa mga may kanser.

Isa sa mga host ang kaibigan kong si Dra. Yangky Agustin, na may anak na canser survivor, si Yaren. Ang audience ay halo-halo: may mga may kanser, may bata, matanda, musikero, mime, doktor, makata, at iba pa.

Marami na rin akong kamag-anak, kaibigan, at kakilalang pumanaw dahil sa kanser, na isang hindi pa rin gaanong maintindihang sakit. Marami pa rin ang naniniwalang pag may kanser ka ay tila siguradong tepok ka na. Marami ang mis-informed tungkol sa kanser.

Sa show ko, ginamit ko ang papet kong si Takaw, isang pating na mahilig kumain ng kahit ano. Pinag-usapan namin ni Takaw ang mabubuti at masasamang pagkain, at ang mga dapat gawin upang laging maging malusog. Sobrang natuwa ang lahat kay Takaw, lalo ang mga bata.

Nang palabas na ako ng ospital, may lumapit sa aking lalaki matapos tawagin ang ngalan ko. Hindi ko agad siya namukhaan dahil nakabandana siya at medyo naging bago siya sa paningin ko.

“Ony, ako 'yung na-meet mo sa Adworks (isang events agency),” aniya. “Bumili pa nga ako ng libro mo at nagpa-autograph pa sa iyo.”

At saka ko lang naalala, kapatid siya ni Manolo Silayan, anak din ng yumaong aktor na si Vic Silayan.

“Isang taon na 'kong hindi pumapasok,” aniya. Mukhang nahulaan ko na ang kasunod. “Nagke-chemo pa ako.”

May kanser siya, ngunit sa tono niya'y tila magaan naman ang pagtanggap niya sa sitwasyon niya. Ewan kung ano ang naging emosyon ko pagkatapos. Ang alam ko, kahit paano'y napasaya ni Takaw ang mga naroon, may kanser man sila o wala. At masaya na ako nun.

Saturday, February 2, 2008

Patalastas

Nakita ko uli ito sa aking baul, and I thought I'd like to share these two rather old (2001) TV commercials I did, which won awards in national advertising contests. I am with my first hard figure, a Craig Lovik boy, I got from Craig himself.

These were written by my former boss at isa sa may pinakamatinding utak sa local advertising, si Ompong Remigio. Ang direktor ay si Thierry Notz, ang cinematographer ay si Trevor Hone (na siya ring direktor ng napakaraming TV commercials dito, including Richard Gomez's famous Bench rowing commercial dati).

Ewan kung naaalala o napanood n'yo ito...

Eto ang una:

http://www.youtube.com/watch?v=zuaZ6UzbIJ4

Pangalawa:

http://www.youtube.com/watch?v=0tflhcn69tk

I'll be posting digital copies soon, for clearer videos.

Hope you like them.

Wednesday, January 16, 2008

Paghihintay

Ano ang ginagawa n'yo pag may hinihintay kayo? Halimbawa, nasa isang restoran ka at naghihintay sa pagdating ng ka-meeting mo? O kaya nasa klinika ka at naghihintay sa misis mong nagpapa-check up sa doktor? O kaya naman ay nasa departure area ka ng airport at naghihintay ng pag-board sa eroplano?

Ako, malamang na may tangang libro at nagbabasa. Kapag nagbabasa ako ng aklat, ayoko ng isang aklat lang. Ayoko ng tatapusin ko muna bago ako kumuha ng bagong babasahing aklat. Mas gusto ko 'yung dalawa hanggang tatlong aklat na pinagpapalit-palitan ko ng pagbabasa. Pipili ako ng isang pop novel, isang non-fiction, at siguro'y isang literature.

Kung hindi naman nagbabasa, malamang na ako'y nagsusulat. Puwedeng hindi aktuwal na nagsusulat gamit ang bolpen at papel o ang aking PDA, puwedeng nagsusulat ako "sa isip lang." Bilang isang comedy ventriloquist, lagi akong naghahagilap ng bagong materyales. Mga bagong linya, bagong bits na puwede kong gamitin sa entablado. Bilang isang makata, lagi rin akong nakikipaghabulan sa musang magbibigay sa akin ng mga bagong talinghaga.

Maaari rin namang gamitin ko ang panahon ng paghihintay sa pakikipag-usap ko sa sarili (siyempre, tahimik lang ako). Ano na ba ang estado ko sa buhay, ano na ang mga nagawa at hindi ko pa nagagawa, kumusta ang relasyon ko sa mga mahal sa buhay, ang buhay-ispiritwal ko, at iba pang pagmumuni-muni.

At kung hindi nagbabasa, nagsusulat, at nagmumuni-muni... malamang na nag-iisip ako ng puwedeng pagkakitaan.

Friday, January 11, 2008

Roro!


Nakasakay na ba kayo sa roro? Ito 'yung roll-on, roll-off na barko na ginagamit sa komersiyo, turismo, at iba pang klaseng paglalakbay sa ating bansa.

Aakalain n'yo bang sa larawang nasa itaas, ako'y nasa loob ng roro? (Kasama ko ang kaibigan kong TV host at komedyanteng si Gabe Mercado.) Parang nasa first-class hotel, di ba?

Sa buong buhay ko, kamakailan lang ako nakasakay sa barko, nang lumakbay kami sa halos 14 siyudad at probinsiya ng bayan nang gawin at i-shoot namin ang "Ready, Set, RORO!," a DBP interisland race. Parang "Amazing Race" ito, kasali ang ilang showbiz celebrities at ilan sa mahuhusay nating outdoor sports atheletes. Makailang beses din kaming nag-roro, at okey naman palang karanasan.

Sinulat at idinirek ko ang TV special na ito, na mapapanood n'yo na sa Enero 27, LINGGO, 9pm sa QTV. Ngayon nga'y abala ako sa pag-eedit nito.

Eto ang ilang teasers:

http://www.youtube.com/watch?v=ohWk4meN9jg

at

http://www.youtube.com/watch?v=s18gNzbJFYo&feature=related

Wednesday, January 9, 2008

Kakatawang Awards

MMFF 2007 WINNERS:

Best Actress - Maricel Soriano (Bahay Kubo)
Best Actor - Jinggoy Estrada (Katas ng Saudi)
Best Supporting Actress - Eugene Domingo (Bahay Kubo)
Best Supporting Actor - Roi Vinzon (Resiklo)
Best Child Performer - Nash Aguas (Shake, Rattle & Roll 9)

Best Picture: Resiklo
2nd Best Picture: Sakal, Sakali, Saklolo
3rd Best Picture: Enteng Kabisote 4: The Beginning of the Legend

Best Director - Cesar Apolinario (Banal)
Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award - Bahay Kubo and Katas ng Saudi (tie)
Most Gender-Sensitive Film - Desperadas
Best Screenplay - Joey Reyes (Katas ng Saudi)
Best Story - May Cruz and Cesar Apolinario (Banal)
Best Editing - Jay Halili (Resiklo)
Best Cinematography - Jay Linao (Resiklo)
Best Production Design - Rodel Cruz (Resiklo)
Best Visual Effect - Ignite Media (Resiklo)
Best Musical Score - Von De Guzman (Bahay Kubo)
Best Sound - Ditoy Aguila (Resiklo)
Best Make-Up - Rosalinda Lopez (Desperadas)
Best Original Theme Song - Wala Na Bang Pag-Asa?, composed by Rusty Fernandez (Anak ng Kumander)


Only in the Philippines!

Tingnan n'yong mabuti ang mga nagwagi. Ang best picture (na ang ibig sabihi'y pinakamagandang pelikula ng pista) ay Resiklo. Pero ang best director ay ang direktor ng Banal. Ang best screenplay ay ang sa Saudi. Ang best story ay Banal. Ang best actor ay si Jinggoy ng Saudi. Ang best actress ay si Maria ng Bahay Kubo.

Ang Banal, Saudi, at Bahay Kubo ay ni wala sa top 3 best pictures!

May award pa na Most Gender-Sensitive Film, na napunta naman sa Desperadas, na wala rin sa tatlong best pictures.

Buking na buking na gusto lang bigyan ng organizers ng award ang lahat ng kalahok na pelikula. Saan ka ba naman nakakita ng best picture, na hindi nakakuha ng best director o kaya best screenplay, o kaya best actor or actress? At saan ka ba naman nakakita ng best director o actor o actress o screenplay na ang kanilang pelikula ay wala man lang sa best 3 films?

Only in the Philippines.

Para sa akin, naglolokohan na lang tayo pagdating sa pagbibigay ng awards sa MMFF. Hahaha!

Tuesday, January 8, 2008

10Q sa Q10

Ang gusto kong kausapin ngayon ay ang mga katoto kong manunulat, o kung sino mang may hilig sa pagsusulat. May gusto akong bahagi sa inyo.

Gaya ng nabanggit ko na rito, ang gamit ko sa pagsusulat ngayon ay ang aking lumang Blackberry. Telepono ito, organizer, at word processor na rin. Ginagamit ko pa rin naman ang aking makinilya at fountain pen paminsan-minsan. E ang computer sa bahay?

Para sa akin, pang-internet lang ito at pang-edit ng word pagkaraan kong isulat sa Blackberry. Hindi ako nawiling humarap sa computer para magsulat.

Ngunit eto na nga ang ibabahagi ko sa inyo. Ewan kung nadiskubre n'yo na ito. Software ito na word editor. Idinisenyo talaga para sa mga manunulat. Ang maganda rito, talagang makakapokus ka sa pakikipag-usap sa musa at aktuwal na pagsusulat--wala kasing ibang bagay sa screen na puwedeng makaistorbo sa iyo.

At ito ang pinakagusto ko rito. May option na sa bawat pindot sa keyboard ay may tunog na tila takatak ng makinilya. Kaya habang nagko-computer ka ay para ka na ring nakaharap sa makinilya. Salamat sa Q10.

Nasubukan ko na ito, at nagustuhan ko naman bagaman hindi pa ako nakakaakda ng mahaba-habang piyesa rito. Eto ang link:

http://www.baara.com/q10/

Ang mga manunulat talaga, makapagsulat lang nang maayos, marami ring kati sa katawan!

Monday, January 7, 2008

Beatles Trip


Dahil sa hapon lang ang show ko kahapon, nag-music trip ako buong umaga.

Beatles!

Gaya ng maraming nasa paga-30, 40 anyos pataas, tagahanga ako ng Beatles. Mangha ako sa kalidad ng musika nila. Aliw ako sa mga obra nina Lennon at McCartney. Ibang klase talaga.

Sa dami ng album nila, natural na hindi ko naman mapapatugtog lahat. Nagsimula ako sa album na Revolver. Tapos Magical Mystery Tour. Tapos Abbey Road. At nagtapos ako sa pinaka-experimental na album nila, ang Sgt. Pepper's Lonely Hearts Club Band.

Naisipan kong magbalik-Beatles kasi nitong weekend ay may nabili akong aklat, ang “Hard Day's Write,” koleksiyon ng mga kuwento kung paano nabuo ang bawat awit ng Beatles. Nang mabasa ko ito, lalo akong naintrigang pakinggan muli ang mga obra nila.

Kababasa ko lang din ng isang aklat ni Bo Sanchez. At doon ay nabanggit niya muli na mahalagang gamitin natin ang ating core gifts--'yung bagay na pinakagusto nating gawin at kung saan tayo mahusay. Iyon daw ang susi ng kaligayahan at tagumpay.

Ganoon ang Beatles. Ginawa lang nila ang bagay na gustong-gusto nilang gawin at kung saan sila magaling: ang lumikha ng mga awitin at magtanghal.

Kaya naman sila nagtagumpay.

Sunday, January 6, 2008

Bagong Silbi



Nitong mga nagdaang linggo, kinagiliwan kong magsulat gamit ang aking lumang Blackberry 7230 PDA/phone--at siyempre, gamit ang dalawa kong hinlalaki. Ang lahat ng entries ko sa blog na ito, ang lahat ng borador ng mga huling nasulat kong tula, ang script outlines, at mga sanaysay na nasulat ko--pawang nanggaling sa maliit na teleponong ito.

Bago ko naisipang gawing main writing tool ko ito, malimit na sa makinilya pa rin ako nakaharap, o kaya'y gamit ko'y fountain pen at papel.

Matagal ko nang gamit ang Blackberry ko, mga apat na taon na. Ngunit bilang telepono at organizer lang. Ilang beses ko na itong nabagsak, kaya may mga gasgas at bukol na rin ito, 'ika nga. Bandang Oktubre ng nakaraang taon ay bigla na lang nasira ito. Hindi ko na naipagawa, itinago ko na lang. Bumili ako ng medyo cheap na Nokia. Noong nakaraang buwan, naisipan kong i-charge muli ang aking Blackberry at laking gulat ko nang bigla itong gumana uli! Naisipan kong ring gamitin itong writing tool, at nagulat din akong mabilis akong nakakasulat dito kahit nasaan ako.

Kaya patuloy ko itong ginagamit. Nadiskubre ko ang ibang kilatis ng isang gamit na akala ko'y wala nang silbi. May iba pala siyang gamit! At anong laking tulong sa akin.

Ganyan naman yata talaga sa buhay. May mga bagay na mas nakikilala natin, mas nalalaman natin ang silbi sa atin kapag minsa'y nawaglit sa ating buhay.

Saturday, January 5, 2008

"Donasyon"

Nitong nagdaang ilang linggo, marami rin bang kumatok sa bahay n'yo at nagpakilalang miyembro ng simbahan at nanghihingi ng donasyon?

Sa amin, napakarami. Akala ko'y ibig lang mangaroling o humingi ng aginaldo, pero makikita ko na lang na may tangang sobre at nakangiting babati. “Good morning po, sa church missionary po. Hihingi lang ng donation,” anang lalaking maayos naman ang bihis.

May pagkakataong African-American naman ang bibisita (na kung pakikinggan mong mabuti pag nagsasalita ay mas magaling pang mag-Tagalog kay Martin Nievera), ganoon din ang script niya. Minsan, grupo ng mga babae. Meron ding matatanda na kung makakatok, sa lakas akala mo'y may nagsindi ng mga super lolo at plapla sa harap mo.

May nakahanda naman akong sagot palagi. “Anong simbahan po kayo?” At madalas ang sasabihing simbahan ay 'yung nasa ilang milya yata sa amin ang layo. 'Yung iba, pangalan ng iglesyang ngayon ko lang narinig ang isasagot.

Siyempre, hindi naman ako ipinanganak kahapon lang upang di ko mahalatang gumigimik lang sila para magkapera. Maraming ganyan talaga ngayon, ginagamit pati Diyos upang manlinlang ng kapwa.

Madali ko naman sila napapaalis ng gate namin. Simpleng ganito lang: “May simbahan kami dyan dito sa village at doon ho kami nagdo-donate,” sasabihin ko.

“Kahit magkano lang po,” sasabihin sa akin.

“Teka, bakit hindi kayo manghingi sa mga miyembro ng simbahan n'yo--o doon kaya sa lugar n'yo?”

Pag narinig nila 'yun, mabilis na silang tatalilis. Pasensiya sila, mataray din ang lolo n'yo paminsan-minsan.

Thursday, January 3, 2008

Sa Pagpunta sa Bangko

Nitong nagdaang Kapaskuhan ay malimit akong napabisita sa mga bangko, upang magdeposito o mag-withdraw ng pera. At siyempre inasahan ko na ang mga kabuwisitang maaari kong maranasan.

Narito ang ilang tips ko para sa inyo sa susunod na pagpunta n'yo sa bangko:

-Magdala ka ng nobela, kung maaari ay 'yung dalawang obra ni Jose Rizal. Sa tagal mong maghihintay bago matawag ng teller ang pangalan mo, siguradong matatapos mo uli ang kuwento nina Ibarra at Elias. Kung ayaw mong magbasa ng nobela, magdala na lang ng lapis at mga papel at magsulat ka na lang ng nobela.

-Magdala ka ng ballpen. Ewan ko ba kung bakit, alam nating maraming pera ang bangko pero bakit pag gagamit ka ng bolpen nila para sulatan ang forms, malamang na walang tinta. Parang hindi nila kayang bumili ng gumaganang bolpen. At magugulat ka dahil tinatalian pa nila 'yung mga bolpen. Sino ba naman ang magbabalak pang magsilid sa bulsa ng mga bolpeng walang tinta?

-'Wag kang maglalabas ng cellphone pag nasa loob ka na ng bangko. Ang mga guwardiya nila, trained yatang mag-identify ng anumang cellphone unit at model kahit isang milya ang layo mo. Pag nakita nilang may tangan kang cellphone, lalapitan ka tiyak at bubulungan: “Bawal po cellphone dito.” Kung magkataong sabihan ka nila nito, ang isagot mo: “Bakit bawal, e nagsusudoku lang ako?” Alam man ng guwardiya o hindi ang sudoku, malamang na payagan ka na niyang magpipindot sa cellphone mo.

-Panghuli, huwag kang maingay pag nasa loob ng bangko. Baka may maistorbo kang nagbabasa ng nobela o nagso-solve ng sudoku. May nakasabay ako doon nung isang araw. Habang naghihintay kaming tawagin ang pangalan namin (na parang raffle draw!), may dalawang babaeng nagtsitsismisan. Kesyo hiwalay na raw sina Cesar Montano at Sunshine Cruz, kesyo si Gaby raw ang mananalo sa Big Brother, etc. 'Yung isang katabi ko, hindi na nakatiis. Isinumbong sa guard 'yung mga tsismosa. Lapit ang guward at pinagsabihan sila. Akala mo ba huminto? Haha. Lumabas ang dalawang bruha at doon sa labas itinuloy ang tsismisan!

Tuesday, January 1, 2008

Weather-weather

Hindi ko matukoy ang eksaktong petsa, pero ang tantiya ko'y circa 1980 nang mapakinggan ko isang gabi sa radyo, sa DZBB, sa programa ng yumaong aktor na si Jaime dela Rosa ang impormasyong ito.

Diumano, ayon sa aktor, mahuhulaan natin ang buwanang general weather condition dito sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagmamatyag sa mga unang araw ng Enero. Nakakaintriga, di ba?

Ganito raw iyon. Ang weather sa Enero 1 ay ang kondisyon ng weather ng buong Enero. Ang weather naman sa Enero 2 ay ang kondisyon ng weather ng buong Pebrero. Ang Enero 3, Marso naman. Ang Enero 4, Abril. Hanggang Enero 12, na kondisyon naman ng Disyembre.

Eto pa. Kung sa kalagitnaan ng araw ay umulan, malamang na sa kalagitnaan din ng buwan ay uulan din. Halimbawa, kapag umulan sa tanghali ng Enero 6, pumusta ka na na uulan sa kalagitnaan ng Hunyo.

Nang marinig ko ang episode na iyon ng programa ni Jaime dela Rosa, naging gawi ko na taun-taon na pakiramdaman at pagmasdan ang weather condition ng bawat araw mulang Enero 1 hanggang 12. At nakakagulat talaga dahil magandang palatandaan nga iyon ng pangkalahatang takbo ng panahon sa isang buong taon! Puwede kong sabihing 70-80 porsiyentong tama ang prediksiyong iyon.

Kaya simula ngayong araw na ito hanggang sa Enero 12, kung nais n'yo ay tingnan n'yo na rin ang lagay ng panahon sa bawat araw... at alamin n'yo sa inyong sarili kung may katwiran ang nabanggit ng beteranong aktor at radio announcer.

Ipinapasa ko sa inyo ngayon ang narinig kong iyon sa radyo isang gabi, halos tatlong dekada na ang nakakaraan. Nawa'y maging mas makabuluhan at matagumpay ang inyong 2008.

Hmmm... hindi kaya ganito lang ang ginagawa ng PAGASA?